2 suspek sa rape at pagpatay natimbog

TUGUEGARAO CITY, Philippines – Arestado and dalawang tambay na itinurong suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang misis sa Cabatuan, Isabela kamakalawa.


Kinilala ni Chief Insp. Gil Daep, hepe ng pulisya ng Cabatuan ang mga nasakote na sina Richard Pamittan, 19, at Jolito  Miquiabas, 29,  pawang tubong Zamboanga City. 


Ayon kay Daep,  ang mga suspek ay sinasabing kaibigan at kapitbahay ng biktima na si Evangeline Garcia, 35, sa kalapit na Brgy.  Mambabanga sa bayan ng Luna.


Unang napaulat na nawawala ang biktima noon pang Martes at huling namataan na nakikipag-inuman sa mga suspek sa isang karinderya sa kanilang lugar bago nakita ang naagnas nang bangkay ng babae sa isang abandonadong bodega sa Brgy. Luzon, Cabatuan noong Biyernes. 


Sinabi ni Daep na  walang saplot pang-ibaba ang ginang at wakwak ang leeg nito sanhi ng pagkagilit ng basag na bote nang madiskubre ang bangkay nito.


Umamin naman umano ang mga suspek sa pulisya sa nasabing krimen.

Show comments