Mag-ama dinedo habang nangingisda

MANILA, Philippines - Napaslang ang mag-ama matapos pagbabarilin ng mga armadong grupo habang namimingwit ng isda sa ilog sa  Barangay Daan Pare, bayan ng Orion, Bataan kamakalawa.

Kinilala ang mga biktima na sina Ramon Hular, 51; at Alvin Hular, 14, 2nd year high school at mga nakatira sa  Sitio Mabato sa nasabing barangay.

Sa police report na nakarating sa Camp Crame, ang bangkay ng mag-ama ay nadiskubre ng misis ni Hular na si Luzviminda matapos na sundan nito sa ilog na pinamimingwitan.

Sa salaysay ni Luzviminda sa mga awtoridad, ang kaniyang­ mag-ama ay nagtungo sa ilog dakong alas-6 ng umaga upang mangisda.

Gayon pa man, nabigong umuwi ang mag-ama kaya sumunod ang ginang sa ilog at dito na ito nagulantang nang makitang kapwa patay na ang kaniyang mag-ama sa may batuhan.

Ang mga biktima ay kapwa tadtad ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan partikular na sa bahagi ng kanilang ulo.

Show comments