4 anyos, hostage-taker na tiyuhin patay sa hostage drama

Bulacan, Philippines - Patay ang isang 4 anyos na batang lalaki makaraan itong pagsasaksakin ng sarili nitong tiyuhing may diperensiya sa pag-iisip na napatay din ng mga nagrespondeng ope­ratiba ng pulisya sa madugong hostage drama sa Brgy. Maharlika, San Jose del Monte City, Bulacan nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ang nasawing biktima na si Dennis Siba­luca Jr., nagtamo ng limang tama ng saksak sa katawan na idineklarang dead-on- arrival sa Grace Hospital sa lungsod.

Sa imbestigasyon , sinabi ni SPO1 Ric Barchita ng San Jose del Monte  City Police, naganap ang pangho-hostage ng suspek sa pamangkin sa nasabing lugar dakong alas-9:45  ng umaga.

Bigla na lamang uma­nong sinunggaban ng suspek ang pamangkin saka tinutukan ng balisong.

Bago ang insidente ay nakaalitan umano ng suspek na umano’y matagal ng may diperensiya sa pag-iisip ang misis ng kaniyang pinsan na ina ng bata.

Nang matanggap ang impormasyon ay nag­res­ponde naman ang mga awtoridad pero ng matanawan ang mga ito ng suspek ay agad pinagsasaksak ang musmos na pamangkin.

Napilitan naman ang mga awtoridad na barilin ang hostage-taker na siya nitong dagliang ikinamatay.

 

Show comments