MANILA, Philippines – Nasakote sa buy bust operation ang isang barangay kagawad na nagtutulak ng droga sa probinsiya ng Isabela, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Huwebes.
KInilala ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. ang suspek na si Melchor Saquing, 56, kagawad ng Zone 2, Brgy. San Mariano, Isabela.
Nadakip si Saquing matapos pagbentahan ang isang undercover agent ng PDEA Regional Office 2 nitong kamakalawa bandang alas-8 ng gabi.
Nakumpiska sa suspek ang isang pakete ng shabu, tricycle, cellularphone at P1,000 na ginamit bilang marked money sa sting operation na ginawa sa Barangay San Manuel, Naguilian, Isabela.
Nahaharap si Saquing sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.