MANILA, Philippines – Nakakulong na ang negosyante at isa sa mga most wanted sa bansa na si Delfin Lee sa loob ng detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Pampanga.
Iniutos ni Fernando City Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Edgar Chua ang pagkakakulong ni Lee sa isang selda.
Naunang ikinulong ang negosyante sa loob ng isang bungalow-type house na may dalawang selda habang inaasikaso ng kanyang kampo ang kanilang mosyon upang makalaya si Lee.
Nakatakdang basahan ng sakdal si Lee sa Marso 10 sa San Fernando RTC Branch 42.
Nasakote si Lee kagabi sa harap ng Hyatt Hotel and Casino ng pinagsamang puwersa ng Task Force Tugis at Manila Police District.
Nahaharap sa kasong syndicated estafa ang pinuno ng Globe Asiatique dahil sa maanomalyang P6 bilyon housing loans sa PAG-IBIG gamit ang iba’t ibang pangalan.
Samantala, iginiit ng abogado niya na si Gilbert Repizo na hindi dapat makulong ang kanyang kliyente dahil pinawalangbisa ng Court of Appeals ang warrant of arrest laban sa kanya.
Pero matatandaang dinala ng Department of Justice ang kaso sa Korte Suprema.