BATANGAS, Philippines – Patay ang isang Barangay Chairman at asawa nito samantalang sugatan naman ang 2 iba pa matapos sumabog ang isang granada sa loob ng sasakyan ng mga ito sa bayan ng Laurel kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Senior Superintendent Omega Jireh Fidel, Batangas Police Director, ang mga nasawing sina Chairman Nestor Rodriguez ng Brgy. Buso-buso, Laurel, Batangas at asawa nitong si Eusebia.
Magkasunod na namatay ang mag-asawang RodriÂguez sa Mercado Hospital sa TaÂnauan City matapos magtamo ng mga sugat sa katawan dahil sa mga shrapnel mula sa granada .
Patuloy namang nilalapatan ng lunas ang mga sugatang sina dating Brgy. Councilor at Acting Tanod Chief Jaime Sarmiento at ang negosyanteng si Maximo Sarmiento dahil sa mga tinamong mga sugat sa katawan.
Ayon sa report, kagagaling lang ng mga biktima sa bahay ni Laurel Mayor Randy James Amo sa Brgy. Gulod at papauwi na sakay ng isang L-200 pick-up (DSZ-276) nang bigla na lamang sumabog ang eksplosibo bandang alas-11:15 ng gabi
Sinisilip naman ng mga imbestigador ang pulitika at negosyo bilang posibleng motibo ng pamamaslang sa mga biktima.
Natukoy naman na isang M67-A1 fragmentation grenade ang sumabog na eksÂplosibo. Ang kasong ito ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya.