Bomba ginawang kampana ng simbahan

MANILA, Philippines - Mistulang sinagot ang panalangin ng mga deboto sa posibleng malagim na pagsabog na kikitil ng maraming buhay makaraang madiskubre ang sinaunang bomba na ginawang kampana ng simbahan sa bayan ng Magallanes, Agusan del Norte kamakalawa.

Sa ulat sa nakarating kay P/Supt. Martin Gamba, spokesman ng Caraga PNP,  bandang alas-11:30 ng umaga nang madiskubre ang bomba na ginawang kampana sa Senior San Isidro Labrador Chapel sa Barangay Caloc-an sa na­sabing bayan.

Nabatid na ang bombang 155mm ay napulot ng kampanero na sa pag-aakalang isa lamang uri ng may hugis na bakal ay isinabit nito sa nasabing simbahan at ginawang improvised kampana.

Samantala, maging ang mga  deboto  ay hindi rin batid na vintage bomb ang ginawang kampana sa kanilang simbahan. Subalit isang residente ang nakapansin sa kampana na bomba matapos na gumuho ang isang bahagi ng pader ng simbahan.

Nang matanggap ang report ay mabilis na rumes­ponde ang mga awtoridad at nakumpirma na ang bomba ay ginawang improvised na kampana.

Show comments