MANILA, Philippines – Pinag-uulanan ng bala ang isang empleyado ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Kidapawan, isang taon mahigit matapos unang pagbantaan ang kanyang buhay.
Nakilala ang biktimang si Agustin Abiquebel, 40, empleyado ng natural resources office, na nasawi dahil sa iba’t ibang tama ng bala sa katawan.
Lulan ng kanyang motorsiklo si Abiquebel papasok sa kanyang trabaho nang harangan ng mga suspek bago pinagbabaril.
Naniniwala si Supt. Leo Ajero, hepe ng Kidapawan City police, na may kinalaman sa trabaho ni Abiquebel ang motibo sa likod ng krimen.
Nauna nang tinambangan si Abiquebel halos magdadalawang taon na ang nakararaan ngunit masuwerteng nalampasan ito.
Sinabi pa ni Ajero na maaaring iisa lamang ang mga suspek na tumira sa biktima ngayon at noong una.