Mag-asawang trader kinatay ng 2 helper

CAMARINES NORTE , Philippines   - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng mag-asawang negos­yante matapos na pagtulungang pagtatagain ng dalawa nilang helper sa pag-aaring poultry farm saka sinunog pa ang bahay kasama ang babae sa Purok 2, Barangay Calabagas, bayan ng San Vicente, Camarines Norte kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni P/Insp. Antonio Perez, kinilala ang mag-asawa na sina Romeo Liwag, 59; at Raquel Liwag, 57, kapwa naka­tira sa Purok 3, Barangay Sto. Domingo sa bayan ng Vinzons, Camarines Norte.

Ang bangkay ni Romeo na tadtad ng taga sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ay natagpuan sa malapit sa pa­laisdaan may 50 metro ang layo sa labas ng bahay nito.

Samantala, ang mga labi ng misis nito ay halos natusta nang matagpuan sa loob ng kanilang bahay na sinunog pa ng dalawang helper.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang mga suspek na sina Romnick Iglesia, 25, ng Purok Kabrahan, bayan ng Jovellar, Albay; at Jonel Dasig, 24, ng bayan ng Goa, Camarines Sur, mga stay-in helper ng mag-asawa.

Ayon kay P/Insp. Pe­rez, may matagal ng hindi pagkakaintindihan ang mga suspek sa kanilang amo kung saan lango sa alak ang mga suspek nang isa­gawa ang krimen matapos marekober ang bote ng alak sa crime scene at shotgun na pag-aari ng biktima.

Bago tumakas ang mga suspek, tinangay pa ang wallet ng biktima at kasabay na sinunog ang bahay habang nasa loob ng kuwarto ang babae. 

Nagpapatuloy naman ang manhunt operation laban sa dalawa na naglaho na parang bula bitbit ang kanilang mga damit. Dagdag ulat ni Joy Cantos

 

Show comments