Abogado nahagip ng SUV, patay

MANILA, Philippines - Biglang sinaklob ni kamatayan ang prominenteng abogado sa finan­cing coope­rative makaraan itong mahagip ng SUV sa kahabaan ng Escario  Street sa Cebu City, Cebu  kahapon ng umaga.

Sa ulat ni Cebu City PNP Chief P/Senior Supt. Noli Romana, kinilala ang biktima na si Atty. Norma Garciano, legal office head ng Cebu CFI Community Cooperative, isang financing cooperative sa Cebu Provincial Capitol.

Base sa imbestigasyon, naglalakad si Atty. Garciano malapit sa Capitol Parish nang maganap ang  aksidente dakong alas-7 ng umaga.

Lumilitaw na biglang sinuwag ng Mitsubishi Strada ni July Yamyamin ang biktima kaya tumilapon ng ilang metro.

Samantala, tumakas naman si Yamyamin pero sumuko rin sa pulisya.

Ayon kay Yamyamin hindi niya nakontrol ang manibela at sa bilis ng pangyayari ay nasagasaan ang biktima.

Nakaditine sa Cebu City Traffic Operations Management Investigation Office ang driver ng SUV.

Show comments