Mister itinumba sa harap ng pamilya

MANILA, Philippines - Napaslang ang 30-an­yos na mister matapos itong pagbabarilin ng di-kilalang lalaki sa harap ng nagmamakaawa nitong misis at mga anak sa Barangay Waling-Waling, bayan ng Sagun, Zamboanga del Sur kamakalawa ng gabi.

Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang krimen bandang alas-7 ng gabi kung saan naglalakad ang biktimang si Orlando Ursal kasama ang misis nito at mga anak patungo sa tindahan para bumili ng softdrinks.

Kasunod nito, hinarang ng gunman ang pamilya Ursal kung saan tinutukan ng baril ang biktima at sa kabila ng pagmamakaawa ng misis nito at nag-iiyakang mga anak ay pinaputukan ito ng sunud-sunod.

Napuruhan naman ng mga tama ng bala sa ulo ang biktima na duguang bumagsak sa lupa habang  narekober naman sa crime scene ang limang basyo ng cal. 45 pistol.

Show comments