Mag-asawa sinagasa ng trak

BATANGAS, Philippines – Nagkalasug-lasog ang katawan ng 34-anyos na misis habang kritikal naman ang mister nito makaraang araruhin ng dump truck sa kahabaan ng highway sa Ba­rangay Tambo, Lipa City, Batangas kamakalawa ng gabi.

Agad na namatay si Haydee Lopez, secretary ng Maynard A. Sabili Foundation habang nasa kritikal na kalagayan ang kanyang mister na si  Levi Lopez, 34, public information officer ng Lipa City Hall.

Sa ulat ng pulisya, papatawid na ang mag-asawa matapos dumalo ng prayer meeting sa Masagana Subd. nang biglang masagasaan ng dump truck (WDZ-656) na minamaneho ni Pacito Gagario Jr., 57, ng Brgy. Sico, Lipa City.

“Beyond recognition ang babae nung makuha sa ilalim ng truck, grabe talaga ang nangyari sa mag-asawa,” ani Jun Sarmiento, hepe ng Lipa Civil Re­gistrar’s Office.

Nasa Mary Mediatrix Hospital naman si Levi matapos magtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan habang ang driver ng truck na sinasabing nagtangkang tumakas ay nasakote ng mga operatiba ng pulisya sa tapat ng La Salle Lipa.

Show comments