MANILA, Philippines - Dalawang guro ang umano’y ginahasa ng mga armadong kalalakihan habang isa pang guro at dalawa nilang estudyante ang minolestiya sa loob ng isang bahay sa Kabuyao, Apayao.
Sa ulat ng pulisya, sinasabing ang dalawang mag-aaral na hindi pinangalanan ay bumisita lamang sa inuupahang bahay ng kanilang guro sa Sitio Taracay, Lenneng, ng nasabing bayan at nang papauwi at palabas na ng pintuan nang tumambad ang mga armadong lalaki.
Dahil dito, napilitang pumasok muli ang dalawang estudyante sa loob ng bahay dahil sa matinding takot.
Mabilis namang tumungo sa pintuan ang isa sa tatlong guro upang isara ito subalit mabilis na nakapasok ang mga suspek at tinutukan sila ng mga baril.
Nagawang gahasain ng mga suspek ang dalawang guro habang hinipuan sa maselang bahagi ng katawan at minolestiya rin umano ang isa pang guro at dalawang mag-aaral. Isang suspek na nakilalang si Wilner Tuvera ang napilitang sumuko sa mga nagrespondeng pulis sa lugar matapos na aksidenteng maiputok nito ang kanyang dalang baril at tinamaan ang kanyang ilong.