MANILA, Philippines – Apat na hinihinalang tulak ng droga, kabilang ang isang menor de edad, ang nasakote sa sting operation ng mga awtoridad sa loob ng isang paupahang kuwarto sa Bangued, Abra.
Nakilala ang mga suspek na sina Romar Llaneza Singson, 25, room attendant ng Tingguian Lodge, Christopher Alvez Ducayag, 24; Mary Jane Buenafe, 20, at isang menor de edad na babae.
Nabawi mula sa mga suspek ang limang pakete ng shabu, apat na nakarolyong aluminum foil, limang piraso ng gamit na aluminum foil na may latak ng shabu, dalawan lighter na may improvised aluminum foil totter, digital weighing scale, isang Wiley paper, perang nagkakahalaga ng P1,572, .22 revolver, 12 bala ng baril at pitong cellular phones.
Nasabat din sa Tingguian Lodge ang hindi kargadong .38 revolver matapos ang paghahalughog pa ng mga awtoridad.
Iniutos na ni Cordillera police director Chief Superintendent Isagani Nerez ang pagpapaigting ng kanilang kampanya laban sa ilegal na droga sa kanilang nasasakupan.