Bangka lumubog: 2 patay!

BURDEOS, Quezon, Philippines – Dalawa katao ang nasawi kabilang ang isang paslit habang dalawa pa ang nakaligtas matapos na lumubog ang bangka na kanilang sinasak-yan sa karagatang sakop ng Sitio Sagaksak, Barangay Palasan, ng lalawigan kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang mga namatay sa pagkalunod na sina Arlyn de los Santos, 5, at Loreto Estrada, 55, pawang residente ng Brgy. Abuyon.

Agad namang pinauwi ng mga manggagamot ang mga nasagip na sina Mike Estrada, 17, bangkero at Angelo de los Santos, 10, matapos na mabigyan ng paunang lunas.

Lumalabas sa imbestigasyon,  umalis ang bangkang sinasakyan ng mga biktima sa pantalan dakong alas-9:00 ng umaga. Nang nasa laot na,  biglang tumigil ang makina ng bangka hanggang sa hampasin ito ng malalakas na hangin at alon na lumikha ng panik sa mga biktima kung kaya nagkanya-kanyang talon sa tubig.

Malamig ng bangkay nang matagpuan sa laot ang batang si Arlyn dakong ala-1 ng madaling-araw habang sumunod na narekober ng alas-3 ng madaling-araw ang katawan ni Loreto. Maagap namang nasagip ng mga nagdaraang mangingisda sina Estrada at de los Santos.

 

Show comments