MANILA, Philippines - Nagbuwis ng buhay ang 9-anyos na nene makaraang tangkain nitong sagipin ang pinakamamahal na alagang aso nang tangayin ng rumaragasang tubig-baha sa bayan ng Saint Bernard, Southern Leyte, ayon sa ulat kahapon.
Narekober ang bangkay ng biktimang si Alma Lasala ng Barangay CaÂbagawan kamakalawa ng hapon matapos itong lumutang sa ilog matapos itong malunod noong Linggo.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, tinangay ng rumagasang baha ang alagang aso ng bata kaya tinangka nitong sagipin pero sinawing palad na malunod.
Hindi naman nabanggit sa ulat kung ano ang nangyari sa alagang aso ng biktima.
Samantala, aabot naman sa 19-pamilya (65-katao) ang inilikas sa ilang barangay dahil sa patuloy na ulan na buntot naman ng low pressure area (LPA) sa ilang bahagi ng Mindanao at Visayas.
Patuloy naman ang monitoring sa ilang lugar na flashflood at landslide prone area at pinayuhan rin ang mga residente na magsilikas kung kinakailangan.