20 patay, 13 nawawala sa VisMin sa patuloy na pag-ulan
MANILA, Philippines - Dalawampu na ang patay, habang 13 ang nawawala dahil sa malakas na pag-ulan dala ng low pressure area (LPA) sa Visayas at Mindanao.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes na karamihan sa mga nasawi ay mula sa Compostella Valley at Davao Oriental.
Anim sa mga nasawi ay dahil sa pagguho ng lupa sa Cagdianao, Dinagat Island kung saan kabilang ang isang dalawang taong gulang na batang lalaki at 14-anyos na binata.
Isang lalaki naman ang nalunod sa Prosperidad, Agusan del Sur, habang pito ang nawawala ayon sa civil defense regional bureau.
Umabot na sa 40,640 pamilya o 199,327 katao ang apektado dahil sa sama ng panahon sa 10 probinsya.
Dalawang ilog sa Davao del Norte ang umapaw na, habang nasira ang irrigation dams sa Aragon at Barangay Taytayan sa Cateel, Davao Oriental dahil sa pagbabaha.
Higit 300 na bahay, walong tulay, 8,284 hektaryang lupa at limang impastraktura sa Compostela Valley at Davao Oriental ang naapektuhan ng pagragasa ng baha.
Noong Disyembre 2012 ay halos 2,000 ang nasawi sa Compostela Valley at Davao Oriental dahil sa hagupit ng bagyong Pablo.
Sinabi ng PAGASA na maaaring magtagal pa ang pag-ulan sa Visayas at Mindanao buong linggo.
- Latest