TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines - Hindi na matutuloy ang nalalapit na kasal ng 23-anyos na binatang seaman sa kanyang kasintahan matapos itong bumulagta kasama ang angkas na kaibigan sa motorsiklo makaraang sumalpok sa kasalubong na pampasaherong bus sa kahabaan ng highway sa Barangay Anonas, Urdaneta City, Pangasinan kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni P/Insp. Benny Centino ang dalawang namatay na sina Joseph Quiban at Julius Pulido, 23, habang kritikal naman ang isa pang kaangkas na si Lyndon Ordoñez, 18.
Si Iban ay nagbakasyon lamang at nakatakda sanang ikasal sa susunod na buwan sa bayan ng Laoac, Pangasinan.
Sinasabing lango sa alak ang mga biktima nang sumalpok sa kasalubong na Partas Bus Liner na minamaneho ni Juanito Salazar ng Bangar, La Union kung saan ito sumuko sa pulisya.
Nabatid na nakaladkad pa ng bus ang motorsiklo ng mga biktima kung saan ay nagkaroon ng spark mula sa tumapong gasolina kaya sumabog ang tangke nito at nasunog din ang nasaÂbing bus na patungo sana ng Pasay City mula sa bayan ng Candon, Ilocos Sur.
Wala namang nasugatan sa 49 pasahero ng bus na mabilis na nakababa habang nilalamon ito ng apoy.