LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - – Lima-katao ang iniulat na napatay habang sampung iba pa ang sugatan sa naganap na madugong hostage drama sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Barangay New San Roque, bayan ng Pili, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.
Kabilang sa mga napatay ay sina Expidito Zepeda, Victor Zepeda, Charmane Zepeda, Emily Nacario at si Anthony Zepeda, 35, hostage-taker na nagbaril sa sarili matapos ang insidente sa loob ng kanyang bahay.
Sugatang naisugod sa Bicol Medical Center ang mga biktimang sina Medelyn Milla, Mar Zepeda, Andrea Zepeda, Edricson Amorao, Rubiliyn Adesas, Rene Bisencio, Angelo Gallardo, PO3 Jose Benito, Jesus Gacosta, at si Ramon Fernandez.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Ramiro Bausa, naganap ang insidente sa bahay ng pamilya Zepeda kung saan gumamit ng cal. 45 pistol si Anthony pagsapit ng alas-8:30 ng umaga.
Nabatid na dumating sa bahay si Anthony saka hinostage ang mga biktima subalit nakatunog ang ilang kapitbahay kaya huminggi ng tulong sa mga awtoridad kung saan naganap ang pakikipagnegosasyon.
Gayon pa man, lalong nagwala si Anthony at pinagbabaril ang mga biktima kung saan ang ilan sa mga ito ay tumalon mula sa ikalawang palapag ng bahay para iwasan si kamatayan.
Nagbaril naman sa sarili at namatay ang hostage-taker kung saan habang kinukuha ang mga bangkay sa loob ng bahay ay biglang sumabog ang granada sa kinuupuan ni Anthony kaya nasugatan sina PO3 Benito at ang dalawang tauhan ng puneraria na sina Gacosta at Fernandez. Pinaniniwalaang may kinakaharap na matinding problema sa pamilya ang hostage-taker kaya naganap ang insidente.