15-anyos pinagalitan sa pakikipag-party, nagbigti

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang dinamdam ng 15-anyos na bina­tilyo ang  ginawang pagkastigo ng mga magulang nito kaugnay sa pakikipag-party sa mga barkada ng hindi nagpapaalam matapos itong magbigti sa kanilang bahay sa bayan ng Sibutad, Zamboanga del Norte kamakalawa.

Sa ulat na nakarating kay PNP regional spokesman P/Chief Insp. Ariel Huesca, kinilala ang biktima na si Jonel Basilan Anore ng Purok VI, Barangay Poblacion.

Halos natulala sa ma­tinding pagkabigla ang mga magulang ng biktima nang madiskubre kahapon ng uma­ga ang pagpapakamatay ng anak sa loob ng silid nito.

Nabatid na  pinagalitan ng kaniyang mga magulang ang biktima dahil sa pag-alis nito ng walang paalam matapos na makipag-party sa kaniyang mga kaibigan kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon. 

Nagkulong ang biktima sa kaniyang silid kung saan naganap ang pagpapakamatay sa pagitan ng alas-7 hanggang alas-8 ng gabi.

Ang biktima ay natagpuang nakabigti sa kuwarto nito matapos na katukin ng kaniyang mga magulang para mag-agahan.

Show comments