1.1-M litro ng oil spill sa Iloilo hindi pa nakukuha

MANILA, Philippines - Isang buwan matapos ang pananalasa ng super bagyong Yolanda  ay hindi pa rin natatanggal ang 1.1 milyong litro ng langis na tumagas sa karagatan ng Estancia, Iloilo.

Sa report ni dating Army Capt. Sonny Sarmiento, incident commander ng Kuan Yu Global Technologies Inc., nasa  117,000 litro  pa lamang ng langis ang kanilang nasisipsip mula sa 1.4 milyong litro ng bunker fuel na tumagas mula sa power barge (BP) 103  na pag-aari ng gob­yerno noong kasagsagan ng  paghagupit ng super typhoon.

Samantala, umaabot na sa 172,800 ang nakolek­tang langis mula sa tulong ng iba’t- ibang sektor kabilang ang ilang residente lalo na ang mga lokal na mangingisda sa lugar na apektado ang pamumuhay. 

Kung susumahin ay nasa 289,800 litrong langis pa lamang ang nakukuha sa oil spill.

Ayon kay Sarmiento, ang nasisipsip na langis mula sa BP 103 ay inilagay sa barkong MT Obama na kayang maglaman ng hanggang 850,000 litro ng langis.

“We’re working 24/7 to quickly remove all the fuel, but we can’t tell when we’ll finish the job, because we don’t have confirmed data on the actual volume of oil left in the barge,”pahayag ng opisyal.

Nabatid na maaaring sumipsip at maglipat ng 150,000 litro ng bunker oil kada oras pero kailangang maging maingat kaya nililimitahan lamang sa 30,000 to 50,000 litro ang pagkuha at paglilipat para maiwasan ang mga kumplikasyon na maaaring makapagpabagal pa sa operasyon.

Bukod sa MT Obama ay may 5-pang barko ang nakahandang tumulong sa clean-up operation kabilang ang M/T Don Jose 2, LCT Valentina 1, LCM Divine Glory, MT Doodsky, at Crane Barge Gwenneth.

Ang  Kuan Yu Global Technologies Inc. ang kinomisyon ng  Power Sector Asset and Liabilities Management Corporation (PSALM) para magsagawa ng siphoning at salvaging sa BP 103.

 

Show comments