Lady production operator utas sa Christmas party

MANILA, Philippines - Bangungot ang kinahinatnan ng maagang Christmas party ng mga kawani ng pribadong kompanya makaraang malunod ang kanilang production ope­rator sa isang resort sa Barangay Pansol, Calamba City, Laguna kamakalawa.

Naisugod pa sa JP District Hospital subalit idineklarang patay ang biktimang si Pinky Manimtim, 19, production operator sa Laguna Auto Parts and Manufac­turing Corporation (LAMCOR) at tubong Libmanan, Camarines Sur.

Sa ulat na nakarating kay Laguna PNP director P/Senior Supt. Pascual Muñoz, naganap ang trahedya sa Llanes Resort sa nabanggit na barangay bandang alas-3:30 ng madaling-araw.

Sa inisyal na imbestigasyon, maagang nagdaos ng Christmas Party ang mga kawani ng LAMCOR sa nasabing resort.

Sinasabing magkakasamang nag-inuman ang mga kawani kung saan bunga ng kalasingan ay hindi napansin ng kaniyang mga kasamahan na muling lumusong ang biktima sa swimming pool.

Ilang oras ang nakalipas ay nagulat ang kaibigang si Ria Desa nang mapansin ang biktima na hindi na gumagalaw sa ilalim ng swimming pool.

Kaagad na kinalampag ni Desa ang kuwarto ng kaniyang mga kasamahan upang iahon ang biktima subalit hindi na naisalba ang buhay nito pagsapit sa nasbing ospital.

Show comments