Mag-inang karnaper arestado

Sinusuri nina P/Senior Supt. Joel Orduña at P/Supt. Ferdinand Villanueva ng RHPU-3 ang mga nasamsam na kasangkapan kabilang ang dalawang replica ng baril na ginagamit sa operasyon ng mag-ina na isinasangkot sa carnapping sa Barangay Matang-Tubig, Baliwag, Bulacan. Kuha ni BOY CRUZ  

BULACAN , Philippines   â€” Kalaboso ang mag-ina na sina­sabing responsable sa serye ng carnapping sa Metro Manila at karatig lalawigan ma­tapos na maaresto ng pulisya sa Barangay Matang-Tubig, bayan ng Baliwag, Bulacan kahapon ng umaga.

Pormal na kakasuhan ng pulisya ang mag-inang sina Jasmine Reyes, 37, at Mark Joseph Reyes, 19,  habang tinutugis naman ang ama na si Mac Lester Reyes, 37, at lola na si Veronica Reyes, pawang nakatira sa Sampaguita Street, Barangay Matang-Tubig sa nasabing bayan.

Sa ulat ni P/Supt. Ferdinand Villanueva ng PNP Highway Patrol Unit-Region 3, sinakay ang bahay ng mga suspek sa nasabing bayan sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Fernando T. de Sagun ng Quezon City Regional Trial Court Branch 78.

Hindi na nakapalag ang mag-ina matapos makorner ng mga tauhan ng HPU-NCRPO, pulis-Baliwag at pangkat ng Provincial Public Safety Company.

Narekober sa compound ng bahay ng mga suspek ang anim na sasakyan kabilang na ang Honda Sedan, Mitsubishi L-300 van, Ford Everest, Nissan Frontier, Toyota Land Cruiser, Ssangyung Nguson, Mitsubishi Exceed, motorsiklo, traysikel, apat na makina ng iba’t ibang sasakyan, mga spare parts, iba’t ibang kasangkapan, mga susi ng kotse at dalawang replica ng AK-47 at M-16 Baby Armalite rifle.

Show comments