Guro tumanggi sa dayaan, itinumba

MANILA, Philippines - Isang guro na sinasabing tumangging magpagamit sa pandaraya sa ginanap na barangay elections noong Oktubre 28 ang napatay matapos pagbabarilin ng kanyang kapitbahay na lalaki sa Brgy. Danlugan, bayan ng Buug, Zamboanga Sibugay kamakalawa.

Nasapol sa ulo ang biktimang si Gina Yosores, 45, guro sa Danlugan Elementary School at nakatira sa Purok 27, Brgy. Poblacion.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ang suspek na si Freddie Puerto, 19, na natukoy base sa pahayag ng ilang testigo na nakasaksi sa krimen.

Sa salaysay naman ng mister ng biktima sa pulisya, sinabi nito na unang ipinagtapat ng asawa na may tatlong  lalaki mula sa kampo ng talunang kandidato ang lumapit sa kaniya at nag-alok ng pera para imanipula ang resulta ng eleksyon sa kanilang lugar noong Oktubre 28.

Nagbanta pa ang tatlo na may mangyayaring masama sa biktima kapag natalo ang kanilang minamanok na kandidato.

Ayon sa ulat, pulitika ang malinaw na motibo sa pamamaslang habang patuloy ang imbestigasyon.

Show comments