Encounter: 3 NPA rebels patay, 6 pa sugatan

MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napaslang habang anim naman ang na­­sugatan kabilang ang apat na sundalo sa magkakahiwalay na bakbakan sa pagitan ng magkalabang puwersa sa Legazpi City, Daraga at Jovelar, Albay nitong Sabado ng umaga. 

Kinilala ang mga na­sugatang sundalo na sina Pfc Henry Niño, Pfc Valentino Reñon, Pfc Melvin Navarro, Pfc Ryan Majistrado pawang nilalapatan na ng lunas sa pagamutan. 

Ang nasabing mga sundalo ay siyang naatasang mangalaga sa seguridad ng mamamayan na nagtutungo sa mga sementeryo umpisa pa nitong Nobyembre 1 hanggang kahapon kaugnay ng paggunita sa UNDAS ng ma­ngyari ang bakbakan. 

Ayon kay Army’s 901st Infantry Brigade Commander Col. Raul Farnacio, bandang alas-5:30 ng umaga ng maganap ang unang bakbakan sa pagitan ng mga nagpa­patrulyang tropa ng mga sundalo  ng 21st Infantry Battalion (IB) at 90th Division Reconnaissance Company (DRC) na nasabat ang sampung rebelde sa Brgy. Mariawa, Legazpi City.

 Sinabi ni Farnacio na natukoy naman na si Antonio Abadiza alyas Ka Flatop ang namumuno sa nasabing mga rebelde  kung saan ang palitan ng putok ay tumagal ng mahigit 10 minuto na ikinasugat ng apat na sundalo at dalawang rebelde na binitbit ng mga nagsitakas ng mga itong kasamahan.

Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang isang cal 45 pistol, tatlong backpacks, personal na mga ka­gamitan, anim na hammock, isang bandoleer ng M16 rifle, mga subersibong dokumento  at iba pa.

 Bandang ala-1:30 naman ng hapon ng muling makasagupa ng tumutugis na tropa ng mga sundalo kasama ang mga K9 dogs  sa lugar ang mga papatakas na rebelde sa Brgy. Talahib, Daraga na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang rebelde at pagkakarekober ng isang M16 rifle at isang M14 rifle. 

Samantalang ang ikatlong sagupaan ay naitala naman sa Brgy. Sinagaran, Jovelar, Albay dakong alas-3:15 ng hapon na ikinasawi ng rebeldeng si Alexander Lorelia.

Patuloy ang pagtugis ng tropa ng pamahalaan laban sa naturang grupo ng NPA rebels.

 

Show comments