8 patay, 4 sugatan sa clan war

MAGUINDANAO, Philippines - -  Walo-katao-ang iniulat na napatay habang apat naman ang sugatan makaraang muling sumiklab ang sagupaan ng magkalabang pangkat ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) lost command sa bakuran ng bahay ng dating ABC president  sa bayan ng Pagalungan, Maguindanao kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Captain Antonio Bulao, spokesman ng Army’s 602nd Infantry Brigade, sinalakay ng grupo nina Kumander Bhuto at Kumander Bigkog ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) lost command ang bahay ni ex-ABC President Mohammad Andoy sa Barangay Bago-inged.

Tumagal ng 45-minuto ang bakbakan kung saan napatay ang mga tinukoy lamang sa mga alyas Nasrullah, Datukan, Alladin at alyas Mamatanto na pawang mga tauhan ni Commander Bigkog at Bhuto habang apat naman sa panig ni Andoy.

Kasunod nito, bandang alas-9 naman ng umaga nang muling sumiklab ang bakbakan matapos humingi ng tulong si  Andoy sa MILF National Guard 108th Base Command para kunin ang bangkay ng kanyang mga tauhan.

Nagsilikas naman ang 400 pamilya mula sa mga Brgy. Kudal at Bago-Inged para makaiwas sa panibagong bakbakan.

Nabatid na ang grupo nina Bigkog at Bhuto ay may kinikimkim na galit sa angkan ni Andoy dahil sa agawan sa lupa at politika.

Kaugnay nito, nag­deploy naman  ang Army’s 602nd Brigade ng tropa ng mga sundalo upang mapigilan ang posible pang pagsasagupa ng magkalabang grupo.

Show comments