5 bata nalibing nang buhay sa falls

MANILA, Philippines - Limang bata na naliligo sa falls ang nalibing nang buhay makaraang gumuho ang tone-toneladang bato at lupa mula sa bundok sa kasagsagan ng 7.2 magnitude na lindol na tumama sa bayan ng Sagbayan, Bohol noong Martes ng umaga, ayon sa opisyal kahapon.

Sinabi ni P/Senior Supt. R’win Pagcalinawan, hepe ng Community Affairs and Development Division ng PNP ang insidente ay iniulat lamang kahapon dahil sa isolated ang nasabing lugar at malayo sa Tagbilaran City.

Kabilang sa nilamon nang buhay  ay ang magkakapatid na Jhonalyn Socorro, 13; at Joellene Socorro, 11; mag-utol na Jess Marvin Empenado, 10; at Meme Jane Empenado, 9; at ang kaibigang si Reynaldo Sipsip, 15.

Una ng tinukoy ni Philvolcs Director Renato Solidum na ang bayan ng Carmen, Bohol ang epicenter ng lindol pero sa pagsusuri ay nilinaw nito na sa bayan ng Sagbayan na isa sa matinding napinsala ang sentro ng lindol.

Ang lindol ay nag-iwan ng malaking pinsala sa Central Visayas partikular na sa mga lalawigan ng Cebu at Bohol.

Sa lakas ng lindol na tumama sa Sagbayan ay halos kalahati ng bundok at malalaking tipak na bato ang tumabon sa talon kung saan bigo pa ring matagpuan ang limang bata.

Show comments