RODRIGUEZ, Rizal, Philippines - Isang pulis ang nasawi matapos na pasukin at pagbabarilin ng dalawang lalaking nakasuot ng bonnet sa loob mismo ng kanilang tahanan sa bayan ng Rodriguez, sa Rizal, kamakalawa ng hapon.
Ang biktima ay nakilalang si P01 Joel Lopez, may asawa, nakatalaga sa Rodriguez Police, at residente ng PNP-Housing Southville-8 B, Barangay San Isidro, sa Rodriguez.
Target naman na ng manhunt operation ang nagsitakas na mga di kilalang suspek.
Batay sa ulat ng Rodriguez PNP, sa pangunguna nina P03 Rodel Mina at P02 Jerome Usman, nabatid na dakong ala-1:40 ng hapon nang mangyari ang krimen sa loob mismo ng tahanan ng biktima.
Bigla na lang umanong pumasok ang mga suspek na naka-bonnet at pinagbabaril ang biktima sa harapan ng kanyang mga kasamahang sina Arnold Salonga at Jerwin Cadayona na siya nitong dagliang ikinamatay. Iniimbestigahan pa ang kasong ito.