QUEZON , Philippines — Pinabulagta ang 25-anyos na estudyante at anak ng retiradong pulis matapos itong pagbabarilin ng di-kilalang lalaki sa bisinidad ng San Isidro Street sa Barangay Talolong, bayan ng Lopez, Quezon kahapon ng madaling-araw. Kinilala ni P/Chief Insp. Edcille Canals, hepe ng Lopez PNP ang biktima na si Ericson Canzon Ganzagan, may-asawa, nakatira sa nasabing barangay, at estudyante ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Bandang ala-1:40 ng madaling-araw nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril si Rommel Zurbano kaya ipinaabot niya sa himpilan ng pulisya. Natagpuan naman ang duguang biktima na may tama sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan at nakahandusay sa kalsada.