Misis pinatay sa gulpi ng mister
MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng 50-anyos na misis matapos gulpihin ng sadista nitong mister sa naganap na malagim na krimen sa bayan ng Rosario, Agusan del Sur, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang napatay na si Livita Sisbreno na nagtamo ng matinding pasa at sugat sa katawan partikular na sa bahagi ng ulo matapos na umbagin ng suspek na si Enrique Sisbreno, 54.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, sinabi ni Caraga spokesman P/Supt. Martin Gamba, bandang alas-6 ng umaga kamakalawa nang madiskubre ang krimen matapos na bumisita sa bahay ng mag-asawa sa Brgy. Bayugan 3 ang tiyuhin ng biktima na si Emelio Larona.
Nabatid na kumatok sa bahay ng mag-asawa si Larona at pumasok ito matapos na walang sumasagot kung saan nadatnan ang duguang pamangkin na tadtad ng mga sugat sa katawan.
Nabatid pa na sa tuwing nagagalit ang suspek na sinasabing lango sa alak ay palagi nitong sinasaktan ang kanyang misis.
- Latest