Bangka lumubog, 1 dedo; 4 pa missing

TUGUEGARAO CITY, Philippines - Isa katao ang nasawi habang apat pa ang nawawala sa dalawang magkahiwalay na trahedya ng paglubog ng bangka sa Lingayen Gulf,  Agoo, La Union at karagatan ng Dingalan, Aurora kahapon.

Sa ulat ng pulisya, patay ang mangingisdang si Arwin Calonge, 25 matapos na lumubog ang sinasakyan nitong bangka nang aksidenteng tamaan ng kidlat sa Lingayen Gulf, San Julian West sa bayan ng Agoo.

Nakaligtas naman ang dalawa nitong kasamahang mangingisda na nasagip sa bahagi ng karagatan ng Sto. Tomas, La Union.

Sa isa pang insidente, apat katao naman ang nawawala makaraang lumubog ang sinasakyan ng mga itong bangka na may kargang kopra, panindang baratilyo sa Dingalan, Aurora sa kasagsagan ng masungit na panahon sa lugar kahapon ng mada­ling araw.

Ayon kay Isabela Police Director P/Sr. Supt. Sotero Ramos Jr., ang mga pasahero ng bangkang MV Mike Rosie 1 na pag-aari ni Rosemarie Ramilla ay umalis sa Palanan, Isabela noong Huwebes ng umaga patungong Aurora.

Kasalukuyan namang  isinasagawa ang search and rescue mission sa mga nawawalang pasahero nito  na hindi pa natukoy ang mga pangalan.


Samantala, sa Aparri, Cagayan; 45 na pasahero naman ang pinigilan ng Philippine Coast Guard na makapaglayag kamakalawa sa Camiguin at Calayan sa karagatan ng Babuyan Channel at sa Maconacon, Isabela sa gawi ng dagat pasipiko dulot ng pananalasa ng bagyong Odette.

Show comments