Kagawad pinugutan sa harap ng misis, anak
TUGUEGARAO CITY, Philippines- Isang 58-anyos na Barangay kagawad ang pinagtulungang saksakin at pugutan ng ulo sa harapan ng kanyang misis at anak ng mga pinaniniwalaang miyembro ng carnapping syndicate sa Brgy. Zone 3 Hacienda, Baggao, Cagayan kamakalawa.
Kinilala ni SPO1 Amado Orpilla, ng Baggao Police ang nasawing kagawad na si Jeremias Leones.
Sa pagsisiyasat, nagresÂponde umano ang biktima sa ulat na mayroong itinatagong nakaw na motorsiklo sa kanyang hurisdiksyon kung kaya’t napasugod ito sa lugar kasama ang kanyang misis na si Marcelina at binatang anak na si Joey.
Bago pa man makalapit ang biktima sa mga suspek ay agad siyang dinumog ng grupo at mabilis na inundayan ng taga at saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Hindi pa umano nakuntento ang mga salarin at pinugutan ng ulo ang biktima kung saan ay balat na lamang ang natitirang parte ng laman ang nag-uugnay sa ulo nito at katawan.
Ayon kay Orpilla, nakilala ng anak ni Leones na siyang saksi sa pagpatay sa kanyang ama ang mga suspek na sina Joefrey Taguibao 36, isang tricycle driver; Jomar Dumayag, 27, magsasaka at isang nakilalang Albert Gamat na pawang kanayon ng biktima.
Ang mga suspek na nahaharap sa kasong murder ay pinaniniwalaang nagtatago ngayon sa kagubatan ng Sierra Madre matapos silang tumakas sa direksiyon ng masukal na Sitio.
- Latest