QUEZON, Philippines – Walang kawala kay kamatayan ang dalawang sibilyan habang sugatan naman ang isa pa matapos magÂsalpukan ang dalawang motorsiklo sa kahabaan ng highway sa Barangay Ayuti, bayan ng Lucban, Quezon kamakalawa ng gabi. Kapwa nabasag ang bungo ng mga biktimang sina Belmer Borines, 35, binata, marino, ng Barangay 2; at Mark Angelo Jarlan, 29, ng Barangay Ayuti habang ginagamot naman sa MMG Hospital ang backrider na si Biela Marie Arquiza. Naganap ang salpukan sa kurbadang bahagi ng highway kung saan kapwa tumilapon mula sa kani-kanilang motorsiklo ang mga biktima. Nabatid na nag-overtake ang motorsiklo ni Jarlan sa sinusundang traysikel kaya nakasalubong at nasalpok ang motorsiklo ni Borines kung saan nakaangkas naman si Arquiza.