MANILA, Philippines - Isang municipal councilor na ume-ekstra sa pagbebenta ng shabu ang nadakip ng anti-narcotics agents ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy-bust operation sa Davao del Norte kamakalawa.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo Cacdac, Jr. ang nahuling suspek na si Romulo Esmino, Jr., 36 anyos, isang konsehal at negosyante ng Purok 6, Brgy. Poblacion, Dujali, Davao del Norte.
Si Esmino ay pangatlo sa pagiging konsehal ng Dujali, Davao del Norte. Ang suspek ay nahulihan ng sachet ng shabu habang ibenebenta sa lsang poseur buyer ng PDEA sa nasabing lugar. Sinampahan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2002 ang nasakoteng konsehal.