6 hepe dinoktor ang crime report, sibak

TUGUEGARAO CITY, Philippines - Anim na hepe ng pulisya sa Cagayan Valley ang sinibak sa tungkulin at nahaharap sa kasong administratibo matapos mabisto ang ginawa nilang pagdo-doktor sa pagbaba ng bilang ng krimen  upang palabasin na tahimik at maayos sa kanilang hurisdiksyon.

Ayon kay Sr. Supt. Franklin Mabanag, kabilang sa mga nasibak ay tig-dalawang hepe sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela at Nueva Viscaya ang natuklasan ng inspection group mula sa National Police Headquarters na binabawasan ang bilang ng mga naitalang kaso ng krimen sa kanilang lugar.

Bagamat tinanggihan na niyang kilalanin ang mga nasibak,  sinabi ni Mabanag hindi naging katanggap tanggap ang katuwiran ng kinauukulan na hindi nila isinasama sa ulat ang maliliit na krimen tulad ng mga ninakaw o nadisgrasyang kambing, kalabaw at mga away pamilya.

“Malaki o maliit man na krimen ay dapat isama sa ulat upang malaman ng pulisya ang tunay na sitwasyon sa lugar,” paliwanag ni Mabanag.

Inamin ni Isabela Police Director Sr. Supt. Sotero Ramos Jr. na bahagyang tumaas ang bilang ng krimen sa kanyang kinasasakupan dahilan sa pag-iistrikto ng kanyang mga hepe.

Sinabi ni Ramos na hindi na nito pinapayagan ang mga pulis na makisawsaw sa pag-areglo sa mga kaso dahilan trabaho na ito ng korte o piskalya.

 

Show comments