Sekyu utas sa holdapan

MANILA, Philippines - Nagbuwis ng buhay ang isang security guard matapos pagbabarilin ng dalawang holdaper  sa madugong robbery/holdup sa gasolinahan sa Barangay Sorosorong Karsada, Batangas City sa Batangas noong Huwebes ng gabi. Sa ulat na nakara­ting kay Batangas City PNP director P/Supt. Nicolas Torre III, kinilala ang napatay na sekyu na si Rolando Caritos.

Nabatid na hinoldap ng dalawang armadong lalaki ang Shell Gasoline Station pero nagawang makapagtago ng cashier sa booth kung saan kinakalampag ng mga nairitang holdaper ang pintuan.

Napasugod naman ang security guard upang inspeksyunin ang komosyon sa loob ng maliit na opisina ng gasolinahan pero agad itong binaril at napatay ng mga holdaper.

Nagawa namang makatawag ng pulis ang ilang gasoline boy kaya nasakote ang dalawang holdaper na nagpanik at nakapagtago sa bisinidad ng gasolinahan matapos ang apat na oras na paghahanap.

Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Rolando Saet Malvar, 30, at Arnel Vinay Lachica, 30, kapwa bihasang holdaper na tadtad ng tattoo sa katawan at nakatira sa bayan ng Pola, Oriental Mindoro na dumayo lamang para mangholdap.

 

Show comments