ABC prexy, misis pinabulagta

MANILA, Philippines - Napaslang ang pangulo ng Association of Barangay Chairman (ABC) at misis nito makaraang pagbabarilin ng motorcycle-riding gunmen sa kahabaan ng highway sa Barangay Loria, bayan ng Angadanan, Isabela kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang mag-asawa na sina Chairman Arnold Pastor, 47; at Lailanie Pastor, 45,  kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Sotero Ramos Jr., director ng Isabela provincial PNP, lulan ang mag-asawa ng  Toyota Hilux (UPQ-677) mula sa lamay ng kaibigang si Mauricio Ancheta nang sundan at pagbabarilin ng tandem pagsapit sa nabanggit na lugar.

Bukod sa pagiging barangay chairman ay nagsisilbi rin umanong ex-officio member ng Sangguniang Bayan ang biktima bilang presidente ng liga ng mga Barangay sa bayan ng Angadanan.

Ayon kay Angadanan Mayor Lourdes Panganiban, wala namang kilalang katunggali si Pastor sa halalang barangay at kalaban sa lupang sinasaka sa kanilang lugar.

Gayon pa man, inatasan ni Panganiban ang pulisya na ipursige lahat ng maaa­ring anggulo sa pagpatay kabilang na dito ang pulitika.

Show comments