Katiwala sa plantasyon ng durian, kinatay

MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng 57 -anyos na katiwala sa durian plantation matapos itong pagtatagain  ng lolo ng binatilyong kanyang sinita sa pagnanakaw kamakalawa ng gabi sa Barangay Poblacion, bayan ng Rosario, Agusan del Sur.

Naisugod pa sa DO Plaza Memorial Hospital pero idineklarang patay ang biktimang si Mariano Arcaya na sinasabing pinagkakatiwalaan ng negosyanteng si Titing Labores sa taniman ng durian at rambutan.

Sumuko naman sa pulisya ng suspek na si Jimmy Bulwa, 43, karpintero at lolo ng tinedyer na  sinita ng biktima sa pagnanakaw ng prutas sa plantasyon. 

Sa imbestigasyon,  ilang oras bago ang krimen ay sinita ni Arcaya ang apo ng suspek na tinukoy lamang sa palayaw na Lablab matapos itong maaktuhang nagnanakaw ng mga prutas sa taniman na kaniyang binabantayan.

Kinompronta ng biktima ang suspek at ipinaalam ang ginawa ng kaniyang apo bagay na minasama nito.

Habang nakaupo ang biktima sa harapan ng bahay ng kaniyang among  si Labores nang bigla itong lapitan at pagtatagain ng suspek.

Show comments