Binata utas sa saksak

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Naging mitsa ng kamatayan ng isang 17 anyos na binata ang pag-ibig sa isang dalaga matapos itong pagsasaksakin ng kaniyang karibal na ikinasugat rin ng kaniyang kaibigan sa Brgy. San Ramon, Tinambac, Camarines Sur kamaka­lawa ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Mart Jones Prila, 17, estudyante habang ginagamot naman sa pagamutan na si Erderio Evangelista, 19, binata, estudyante, pawang mga residente ng naturang lugar.

Pinaghahanap naman ang tumakas na suspek na si Eric Tuy, 22 ng Brgy. Pantat ng nasabi ring munisipalidad.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11 ng gabi ng kumprontahin ang biktima ng karibal nitong si Tuy na nauwi sa suntukan.

Habang nagsusuntukan ay bumunot ng balisong si Tuy at pinagsasaksak ang biktima na napuruhan sa insidente habang tinangka namang umawat ng kaibigan nitong si Evangelista kaya sinaksak rin ng suspek. Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang kasong ito.

Show comments