Binata itinulak sa ilog, natagpuang patay

CAVITE, Philippines – Patay na nang matagpuan kahapon ang isang 21-anyos na binata matapos ang may mahigit sa 20 oras na paghahanap makaraang umano’y itulak  sa ilog habang nangingisda sa Brgy. Habay 2, Bacoor City.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Leonel Montilla, construction worker, ng Brgy Habay 1.

Tinutugis na ng pulisya ang itinuturong responsable sa pagtulak sa biktima na si Jerwin Ramirez, nasa hustong gulang, ng Brgy Habay 2 ng nasabing lugar.

Sa ulat ni SPO 1 Ronaldo Orozco, alas 2 ng hapon kamakalawa nang mangisda ang biktima sa nasabing ilog upang may maipang ulam sa kanilang hapunan.

Habang kampanteng nangingisda ang biktima ay lingid sa kaalaman nito na nasa kanyang likuran ang suspek at biglang itinulak ang una na agad na nahulog sa ilog.

Dahil sa malakas ang agos ng ilog sanhi na rin ng nagdaang bagyo ay tinangay ang biktima at hindi na lumutang pa.

Agad na nagsagawa ng rescue operations ang mga residente dito subalit kahapon lamang ng umaga nang ma­kita ang katawan ng biktima na wala nang buhay. 

Tumanggi naman ang pamilya ng biktima na isailalim sa awtopsiya ang bangkay nito.

 

Show comments