30 CPLA itinalagang forest ranger

TUGUEGARAO CITY, Philippines - Tatlumpong (30) hardcore na miyembro ng Cordillera People’s Liberation Army (CPLA) sa Abra at Apayao na hindi na nakaabot sa military integration dulot ng kanilang edad ang nabigyan ng contractual appointment sa Department of the Environment and Natural Resources (DENR) bilang mga forest rangers kamakalawa.

Sinabi  ni Apayao Police Director Sr. Supt. Albertlito Garcia, ang pagtatalaga sa mga dating CPLA fighters bilang mga bantay kalikasan sa Cordillera ay napapaloob sa de-militarisasyon ng grupo matapos silang lumagda sa peace agreement kay dating Pangulong Corazon Aquino sa Bauko, Mt. Pro­vince noong 1986.

Ang mga bagong forest guards ay magsasanay sa ilalim ng pangangasiwa ng DENR Region 2 sa lungsod na ito.

Sinabi ni Garcia isinuko na ng 16 CPLA members ang kani-kanilang mga high po­wered firearms kay Governor Elias Bulut Jr. sa kapitolyo ng Luna sa lalawigan ng Apayao.

Si Governor Eustaquio Bersamin naman ang tu­mang­gap ng mga isinukong baril ng 14 CPLA sa  kapitolyo ng Bangued, Abra na sinaksihan ni Presidential Peace Process Advi­ser Alexan­der Umpar. Sa kasalukuyan, may 168 na mga kaanak ng matatan­dang CPLA ang sumasailalim sa candidate soldiers course sa Army’s 5th Infantry Division sa Camp Upi, Gamu, Isabela. 

 

Show comments