14-anyos nabaril ng 13-anyos
BULACAN , Philippines– Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang 14 anyos na totoy makaraang mabaril ng kanyang kalarong 13-anyos sa Brgy. Camachile, bayan ng Doña Remedios Trinidad, Bulacan kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Llonar Magtanao habang nasa pangangalaga naman ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development ang kaibigan nitong menor-de-edad. Sa ulat ni PO1 Andrea Ritual, naglalaro ang magkaibigan sa bahay ng 13-anyos nang damputin nito ang cal. 22 revolver sa loob ng kuwarto ng kanyang ama. Nag-agawan ang dalawa sa paghawak ng baril subalit biglang pumutok at tumama sa kanang mata ng biktima kung saan naisugod sa Jose Reyes Memorial Hospital sa Maynila. Nakatakdang kasuhan ng pulisya ang ama ng 13-anyos na sinasabing may-ari ng baril na walang kaukulang dokumennto.
- Latest