MANILA, Philippines - Tatlo-katao kabilang ang 50-anyos na barangay chairman ang napaslang makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem assassins sa bayan ng Mabalacat, Pampanga kamakalawa. Kabilang sa mga napatay ay sina Chairman Rodrigo Tongol ng Barangay Mesilipit sa bayan ng Bacolor; Pedro Canlas, 60; at si Merlito Pineda, 50. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, ang tatlo ay sakay ng government vehicle na minamaneho ni Tongol nang pagbabarilin ng tandem bandang alas-7 ng gabi. Nabatid na si Tongol ay nasa ikalawang termino bilang barangay chairman kung saan plano nitong muling kumandidato sa barangay at SK elections sa October 2013.