TUGUEGARAO CITY, Philippines- Nasakote ng pulisya ang isa sa mga tinaguriang triggerman sa ambush slay sa utol ng isang Metro Manila city fiscal noong 2012 sa operasyon sa kabundukan ng Brgy. Cabisera 9-11, Hacienda San Antonio, Ilagan City kamakalawa.
Kinilala ni Isabela Police Director P/Sr. Supt. Sotero Ramos ang suspek na si Joseph Ariola, 51 anyos, residente sa nasabing lugar.
Dinakip ang suspek base sa warrant of arrest sa kasong murder at frustrated murder na ipinalabas ni Regional Trial Court Judge Isaac de Alban ng Branch 16 sa Ilagan City. 

Ayon kay Ramos, naunang naaresto ang kasabwat ni Ariola na si Marcelino Cafirma, 44 matapos nilang pagbabarilin sina Edmundo Remudero, 39 at Allan Aguinaldo na kapwa sekyu sa lupain ni Dona Pacita Bautista na pinasok ng mga ito sa Villapaz, ng bayan ng Naguilian noong Abril 26, 2012.

Nagpositibo sa paraffin test si Cafirma habang tumakas at nagtago naman si Ariola.

Si Remudaro ay nakatatandang kapatid ni Manila City Fiscal Florencio Remudaro ng Department of Justice (DOJ). Lumilitaw naman sa imbestigasyon na alitan sa lupa ang motibo ng krimen.