Magkapatid patay sa landslide

MANILA, Philippines - Nalibing nang buhay ang isang magkapatid na bata makaraang  matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang tahanan sa paanan ng bulubunduking bahagi ng Brgy. Limpapa, Zamboanga City kahapon ng umaga.

 Kinilala ang nasawing mga biktima na sina Agustin Kaluuyan, 14 at nakababata nitong kapatid na babae na si Ayen Kaluuyan, 6 taong gulang.

Sa ulat ng Zamboanga City Police, naganap ang insidente sa nasabing lugar bandang alas-7:30  ng umaga sa gitna na rin ng nararanasang mga pag-ulan sa lugar umpisa pa nitong nakalipas na mga araw.

Sa pahayag ng mga residente sa lugar, bigla na lamang silang nakarinig ng malakas na dagundong at kasunod nito ay gumuho ang makakapal na lupa at mga bato mula sa bundok na tumabon sa may tatlong kabahayan sa lugar.

Makalipas ang ilang oras ay nakuha na rin ang bangkay ng magkapatid na nababalutan ng makapal na putik at tadtad ng mga sugat at galos mula sa matatalas na bato at kahoy  bunga ng insidente. Isinugod naman sa pagamutan ang ilang mga nasugatang biktima para malapatan ng lunas.

Samantalang, inilikas naman ang 77 pamilya o humigit kumulang sa 200 katao sa Tugbungan Elementary School sanhi ng mga pagbaha sa Brgy. Tugbungan ng naturang lungsod. Joy Cantos

 

Show comments