Baby nilunod sa ihi, inilibing ng ina

MANILA, Philippines - Ilang araw pa lamang ma­tapos masilayan ang liwanag, isang sanggol na babae ang nilunod sa ihi saka inilibing ng walang puso nitong ina sa bayan ng San Fernando, Cebu, ayon sa naantalang ulat kahapon. 

Arestado naman ng pulisya noong Miyerkules ng hapon ang suspek na si Jacquelyn Soroño, 29, ng Brgy. Panadtaran sa nasa­bing bayan.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, nadiskubre ang krimen matapos masaksihan ng 14-anyos na dalagitang kapitbahay ng suspek ang sikretong paglilibing nito sa  bagong panganak nitong sanggol noong Biyernes ng umaga.

Agad namang sinabi ng dalagita sa kaniyang mga magulang at ilang kamag-anak ang nasaksihan kaya pinuntahan ang pinaglibi­ngan kung saan nakalitaw na ang mga paa ng sanggol.

Kaagad naman inaresto ng pulisya kasama ang representative ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Deve­lopment (DSWD) at municipal health officer na si Dr. Alfredo Manugas ang suspek sa Barangay Poblacion sa nasabing bayan.

Sa himpilan ng pulisya, inamin naman ng suspek na nagawa lamang niya ang krimen dahil iniwan siya ng kaniyang boyfriend na nakikilala lamang sa videoke bar at nang mabuntis siya ay tumangging panagutan.

“Nawala po ako sa sarili ko dahil nag-iisa ako, hindi ko sinasadya,” pahayag ng suspek kay PO1 Mary Jane Estrera ng Women’s and Children’s Protection Desk.

Lumilitaw pa sa imbestigasyon, ang sanggol na may ilang araw pa lamang naisilang ay nilunod sa urinal pan na puno ng tubig at ihi saka ito inilibing may ilang metro sa bahay ng kaniyang tiyuhin. Freeman News Service

 

Show comments