Mag-asawa sabay nagbigti

MANILA, Philippines - Hanggang kamatayan ay hindi napaghiwalay ang mag-asawa matapos sabay na magbigti ang mga ito sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Imulnod, Brooke’s Point, Palawan kama­kalawa.

Sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, pasado alas-5 ng hapon noong Huwebes ay natagpuang nakabitin ang bangkay ng mag-asawang Caton Lee, 38; at misis nitong si Lucinda Lee, 44.

Nabatid na bago mag-suicide ang mag-asawa ay nagpaalam pa sa kanilang mga anak na hatiin na ang mana para sa mga ito.

Sa pagsisiyasat ng pu­lisya, unang nagplano si Caton na nagpaalam pa sa kaniyang misis na magpapakamatay dahil nahihirapan na sa malubhang karamdaman.

Pinaniniwalaang su­mang-­ayon at nakiisa na rin ang misis na sumama sa pagpapatiwakal ng kanyang mister kaya sabay nagbigti.

Sa nakalap na impormasyon ng mga imbestigador ng pulisya sa mga naulilang pamilya ng mag-asawa, lumilitaw na bago ang insidente ay pinulong ng mag-asawa ang buong pamilya noong Miyerkules at nagpaalam na mawawala na silang dalawa.

Tinagubilinan din ng mag-asawa ang kanilang mga anak na huwag mag-aaway at paghatian ng tama ang kanilang maiiwang kayamanan.

Ang bangkay ng mag-asawa ay magkatabing nakabigti nang matagpuan sa kisame ng kanilang silid kung saan wala namang nakitang foul play ang pulisya.

 

Show comments