Trak hulog sa palayan: 2 patay, 6 grabe

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Dalawa-katao ang iniulat na namatay habang anim iba pa ang malubhang nasugatan makaraang mahulog ang dump truck na pag-aari ng lokal na pamahalaan sa malalim na palayan sa Barangay Duldulao, bayan ng Malibcong, Abra noong Lunes ng hapon.

Kinilala ang dalawa na sina Ruben Gunawa, 47; at Danilo Gamming habang ginagamot naman sa Abra Provincial Hospital ang mga sugatang sina Fernando Boy-agan, Unisemo Gunawa, Norma Salabao, Digna Banatao, Loida Doque, at si Danilo Gamming.

Sa police report na nakarating kay Cordillera PNP spokesperson P/Supt. Davvy Limmong, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng dump truck (WTD 957) na si Robert Sagban kaya nagpagulung-gulong at nahulog sa may apat na metrong lalim na palayan ang sasakyan na pag-aari ng lokal na pamahalaang bayan ng Malibcong.

Nabatid naman kay Abra PNP spokesman P/Chief Insp. Vic Orcino, ang mga biktimang namatay at nasugatan ay kabilang sa 37 pasahero ng trak na patungong Barangay Duldulao mula sa sinasabing oathtaking ceremony ni Malibcong Vice Mayor Regino Siddayao sa Barangay Poblacion nang makasalubong ang trahedya bandang alas-4:45 ng hapon.

Show comments