Shootout: 3 akyat-bahay bulagta

MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng notoryus na Akyat-Bahay Gang ang napaslang matapos makasagupa ang operatiba ng pulisya nang pasukin ang gate ng bahay ng isang negos­yante sa naganap na shootout sa Barangay Camaman-an, Cagayan de Oro City, Misamis Oriental kahapon ng umaga.

Kasalukuyan pang ina­alam ang pagkakakilanlan ng tatlong napatay dahil walang makuhang identification card.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-8:30 ng umaga nang maaktuhan ng mga awtoridad ang tatlo nang pumasok sa malaking bahay ni Norjahan Moorjani sa Adela Subdivision na planong pagnakawan.

Nabatid na nakunan pa ng CCTV camera ang pagpasok ng tatlo sa gate ng tahanan ng nasabing negosyante.

Nagawa namang magsisigaw ng katiwala ng may-ari ng bahay nang pumasok sa gate ang mga armadong suspek kaya naalarma ang mga kapitbahay na agad tumawag sa himpilan ng pulisya.

Agad namang rumes­ponde ang pulisya pero papalapit pa lamang ang mga ito ay pinaputukan ng tatlo na nauwi sa shootout.

Samantalang, nakatakas naman ang ikaapat na suspek habang nakikipagputukan sa mga pulis ang kaniyang tatlong kasamahan na isa-isang bumulagta.

Show comments