MANILA, Philippines - Tuguegarao City, Philippines –Dahil sa pagtawid ng kalabaw, patay ang alkalde ng Apayao at bodyguard nito habang malubha namang nasugatan ang tatlo pa kabilang ang bise alkalde matapos na sumalpok sa isang punongkahoy ang behikulong sinasakyan ng mga ito sa highway ng Pagudpud, Ilocos Norte nitong Sabado ng madaling-araw.
Idineklarang dead on arrival sa Bangui Hospital ang mga biktimang sina Bety Versola, Mayor ng Luna, Apayao at bodyguard nitong si Marlon Taclibon.
Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang mga suÂgatang sina vice mayor Josephine Bangsil, driver na si Jun Ildefonso at Milet Agustin.
Ayon kay Chief Supt.Ricardo Marquez, Director ng Police Regional Office (PRO)1, naitala ang malagim na sakuna sa kahabaan ng highway ng Brgy. Pasaleng, Pagudpud bandang ala-1:20 ng madaling araw.
Base sa imbestigasyon kasalukuyang lulan ang mga biktima ng kulay pulang Montero Sport vehicle (SKP 730 ) na minamaneho ni Jun Ildefonso galing Baguio City at pabalik na sa Apayao nang mangyari ang aksidente.
Sinabi ni Marquez , mabilis ang takbo ng behikulong sinasakyan ng mga biktima habang bumabagtas sa nasabing highway ng biglang may tumawid na kalabaw na tinangkang iwasan ng driver bunsod upang sumalpok ang SUV sa isang puno sa tabi ng highway na ikinasawi ng mga biktima.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito.